MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang magkumpare makaraang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa kasalubong na AUV habang bumabagtas sa kahabaan ng General Trias Drive, Brgy. Tejeros Convention, Rosario, Cavite, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina alyas Isagani, 26-anyos, mangingisda, driver at angkas nito na si alyas Raymond, 32 anyos. gasoline boy, kapwa residente ng Brgy. Ligtong 1, Rosario, Cavite.
Sa ulat ng pulisya, bago naganap ang aksidente, alas-4:00 ng madaling araw ay magkaangkas ang magkumpareng biktima sa isang motorsiklo na kulay asul at binabagtas ang nasabing highway.
Nabatid na nag-counterflow umano ang motor ng mga biktima at nag-overtake sa nauunang sasakyan at dahil may kabilisan ang takbo ng mga ito ay sumalpok sa kasalubong na Isuzu AUV (UV DGX 604) na minamaneho ni alyas Jonison, 32-anyos ng Brgy. Plaza San Isidro, Ligtong 1, Rosario, Cavite.
Sa lakas nang pagkakasalpok ay nawasak ang sinasakyang motor ng mga biktima na tumilapon ng malayo na naging dahilan ng agarang pagkasawi.