MANILA, Philippines — Kapwa dead on arrival sa ospital ang magkaibigan nang mabangga ng taxi ang sinasakyan nilang motorsiklo, sa Cainta, Rizal, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Michael Allan Coronel Jr., 20, 3rd year college student ng Sitio Pugot, Payatas, Quezon City; at Lothysia Nicole Pedro, 19, 2nd year college student at residente ng Sitio Veterans, Bagong Silangan, Quezon City.
Nasugatan naman matapos na madamay sa aksidente, ang tatlong fruit vendors na sina Arlene Gonzaga, 52; at magkapatid na sina Dino, 14, at Laiza Caagay, 12, kapwa estudyante.
Arestado naman ang suspek na si alyas ‘Benjamin,’ 71, taxi driver, at residente ng Brgy. Lunsad, Binangonan, Rizal.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, alas-12:25 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Felix Avenue, tapat ng Village East Executive Village, Brgy. Sto. Domingo, Cainta.
Nabatid na magkaangkas ang magkaibigan sa isang itim na motorsiklo na may plakang 309-QVA at binabagtas ang Felix Avenue, patungo sa Marcos Highway habang pakaliwa naman ang taxi patungo sa Village East Executive Homes mula sa Marcos Highway.
Pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lang nabangga ng taxi ang kaliwang bahagi ng motorsiklo na kung saan ay kapwa tumilapon ang magkaibigan na kanilang ikinasawi.
Inararo rin ng motorsiklo ang isang fruit stand na ikinasugat naman ng tatlong bantay nito.