MANILA, Philippines — Aksidenteng nadiskubre ang isang vintage bomb sa isang kalsada malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 sa Pasay City, kahapon.
Ang nasabing bomba na pinaniniwalaang gawa sa Amerika at ginamit sa World War II, ay nahukay ng mga manggagawa sa isinasagawang road widening project sa kahabaan ng Manila International Airport Road.
Pansamantalang sinuspinde ang road widening operation kasunod ng pagkakatuklas sa vintage bomb.
Ayon sa mga tauhan ng Philippine National Police Explosive Ordnance Disposal Unit na nagtungo sa lugar na peligroso ang naturang bomba at posible pang sumabog.
Dadalhin ang nasabing vintage bomb sa PNP Explosive Ordnance Disposal Unit para sa pagsusuri at wastong disposal.