Van nadaganan ng trak: Ina, 2 paslit todas

MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival ang isang nanay at dalawa nitong paslit na anak habang sugatan ang ama matapos ang sinasakyan nilang van ay nadaganan ng trak, kamakalawa ng gabi sa Sitio Tugatog Brgy.Marungko, Angat, Bulacan.

Kinilala ang nasawing ina na si Angielyn Herrera; at anak na sina Andrie Herrera, 6; at Sky Herrera, 2; habang nasugatan ang ama na si John Jovy Herrera.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-9:00 ng gabi ay kapwa  binabagtas ng Howo truck (NBB7921) na minamaneho ni John Arn de Castro, 26, ng Brgy. Sapang Putik, San Ildefonso, Bulacan at Mitsubishi L300 van (PIE 431) na minamaneho ni Herrera ang matarik na kalsada nang mawalan ng kontrol ang trak  na nagresulta upang tumaob ito at madaganan ang sasakyan ng mga biktima.

Mabilis na dinala sa Norzagaray Public Hospital ang mga biktima na kalaunan ay dineklarang dead on arrival ang mag-iina habang patuloy na ginagamot ang ama.

Nasa kustodiya na ng pulisya si De Castro at sinampahan ng kasong Reckless Imprudence Resul­ting in Homicide (3 counts), Serious Physical Injury at Damage to Property.

Show comments