MANILA, Philippines — Nakatakdang imbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang mga binitiwang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang news conference noong Lunes ng gabi na nanawagan siya sa militar na lutasin ang tinawag niyang “fractured governance” sa ilalim ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na muli niyang inakusahang gumagamit ng ilegal na droga.
Ayon kay Justice Undersecretary Jesse Hermogenes Andres, ang mga pahayag ni Duterte ay maaaring ituring na sedisyon, at dapat na suriin sa konteksto ng mga naging pahayag din ng kaniyang anak na si Bise Presidente Sara Duterte.
“’Yun pong mga pananalita ng dating Pangulong Duterte ay iimbestigahan din natin kasabay ng ibang mga nangyayari ngayong mga panahon,” dagdag niya.
Tiniyak naman ni Andres na nakahanda ang pamahalaan sa anumang mangyayari.
“And the Armed Forces of the Philippines is a professional organization that is loyal to the chain of command,” ayon kay Andres.
Magugunita na noong Lunes ay sinabi ni Duterte na tanging ang militar lang ang maaaring “magtama” sa tinawag niyang “fractured governance” sa ilalim ni Marcos na isa umanong “drug addict.”
Tinukoy din ni Duterte si Speaker Martin Romualdez, na pinsan ni Marcos.
“Nobody can correct Marcos, nobody can correct Romualdez… It is only the military who can correct it,” giit ni Duterte sa press conference na inilabas sa social media.
Tinanong ni Duterte kung hanggang kailangan susuportahan ng militar ang isang pangulong “drug addict.”