Hinataw ng tubo sa ulo…
MANILA, Philippines — Natagpuang patay ang tatlong katao kabilang ang isang magdyowa sa isang bakanteng lote sa Santo Niño compound, Barangay Mayapa, Calamba City, Laguna, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Felix Busion, 64; kinakasama nitong si Vivian na nasa 60-anyos; at Dante Luzano, 51, caretaker ng nasabing bakanteng lote.
Habang ang suspek na naaresto sa follow-up operation ay kinilalang si alyas Anthony, 41, construction worker at nasamsam ang tubo na ginamit nito sa krimen.
Sa ulat ng pulisya, alas-9:45 ng gabi nang matagpuan ang tatlong bangkay na kapwa may mga tama sa ulo dulot ng paghataw sa kanila ng tubo habang sila ay mahimbing na natutulog.
Ayon kay Lt. Col. Titoy Cuden, hepe ng Calamba City police na ang suspek ay positibong kinilala ng isang opisyal ng barangay na huling kasama ng mga biktima habang nag-iinuman sa bakanteng lote at nang makatulog ay doon isinagawa ang paghataw sa kanilang mga ulo.
Maging ang pahayag ng isang Cherry Ann na live-in partner ni Anthony na kasama rin siya sa inuman at nakatulog na rin sa kalasingan at naalimpungatan siya nang makita na hinahataw ang mga biktima ng tubo sa kanilang mga ulo.
Bago nangyari ang krimen, sinabi ni Cuden na kinumpronta ng suspek na si Luzano dahil sa nililigawan umano nito ang ka-live in na si Cherry Ann at nagyaya na mag-inuman ang suspek.
Nang malasing ang mga biktima ay doon isinagawa ang krimen at hindi dinamay si Cherry Ann, pero binantaan na papatayin kapag nagsumbong sa pulis.
Una ay isa si Cherry Ann sa suspek, subalit nang ituro nito ang bahay ng suspek ay inabswelto ito at inaresto ang huli sa kanyang bahay.
Ang suspek na nakakulong na ay sasampahan ng tatlong bilang ng kasong pagpatay.