MANILA, Philippines — Kinastigo kahapon ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo ang Department of Agriculture (DA) dahil umano sa kawalan ng aksyon para mapababa ang presyo ng bigas sa kabila ng umiiral na mababang taripa sa bigas at pagbaba ng presyo nito sa world market.
Sa isinagawang pagdinig para sa Murang Pagkain Supercommittee ng House of Representatives na binuo sa pamamagitan ng House Resolution No. 254 ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kinwestyon ni Tulfo ang DA kung bakit hindi bumababa ang presyo kahit na ayon sa monitoring ay mababa ang presyo nito sa world market.
“Ang tanong po sa inyo, what are you doing, Department of Agriculture? Kaya nga, binabaan ang taripa ng Pangulo para makabili ang mga Pilipino ng bigas. Bakit hindi pa rin sila makabili? Bakit P50 pa rin ang bigas? You tell me that. You tell that to the Filipino people,” giit ni Tulfo.
Kinumpirma naman ni Usec Asis Perez, ng DA na mababa na nga ang presyo sa world market ng bigas at maging sila ay nagtataka kung bakit hindi bumababa ang presyo ng bigas sa merkado. “Kahit po kasi kami, nakikita namin na tama po ‘yung sinasabi ninyo na looking at the international prices, that’s the reduced tariff, dapat po hindi na P44 ‘yung presyo po ng pinakamurang bigas. Dapat po malapit na sa P30. Pero hindi nga po nangyayari.
“Three months na ho bumaba ang taripa. It’s already November, wala pa rin ginagawa. At sasabihin nyo, pasalamat sa committee na ito, hindi ho namin trabaho ‘yun. Trabaho ninyo, magsama-sama kayo (ng iba pang mga ahensya). Ang importante, makabili si Juan, Maria, ng murang bigas,” giit ni Tulfo.