MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na kakasuhan si Vice President Sara Duterte dahil sa bantang pagpatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr; First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Justice Undersecretary Jesse Andres na kabilang sa mga kasong maaaring isampa sa Bise Presidente ay kasong criminal, administratibo at pinag- aaralan na rin ang kasong sedition.
Paliwanag pa ni Andres, dahil sa nakakaalarmang pahayag ni Duterte kaya kikilos ang gobyerno para protektahan ang inihalal na Presidente at mismong inamin ng mastermind kaya ngayon ay dapat niyang harapin ang legal na consequences.
Inatasan na rin aniya niya ang lahat ng law enforcement agents para imbestigahan ang kinaroroonan ng taong inutusan na nagtatangka sa buhay ng presidente.
Ayon kay Andres, hindi ito ang unang pagkakataon na pinagbantaan ni Duterte ang buhay ni Pangulong Marcos noong una ay sinabi na gusto niyang pugutan ng ulo si Marcos.
Magugunita na inakusahan ni VP Sara ang iba’t ibang opisyal ng pamahalaan ng korapsiyon at sinabing nais ni House Speaker Romualdez na siya ay mamatay.
Nilinaw naman ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na wala silang natatanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagbabanta sa buhay ng bise presidente.