Pangulong Marcos pinalagan ang banta ni VP Sara

MANILA, Philippines — Pinalagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nakababahalang mga pahayag na narinig ng samba­yanang Filipino mula kay Vice President Sara Duterte nitong mga nakaraang araw.

Sinabi nito na nakababahala ang mga pahayag na binitiwan ni VP Sara sabay sabing “Yang ganyang kriminal na pagtatangka ay hindi dapat pinalalampas.”

Nandiyan aniya ang walang pakundangang pagmumura at ang pagbabanta ng planong ipapatay ang ilang kilalang opisyal ng gobyerno at personalidad.

“Kung ganun na lang kadali ang pagplano sa pagpatay ng isang Presidente, papaano pa kaya ang mga pangkaraniwan na mamamayan?” ang tanong ng Pangulo.

Kaya nga, bilang isang demokratikong bansa, kailangan na itaguyod ang tuntunin ng batas.

“Ako, bilang pinuno ng executive department, at lahat ng mga nanunungkulan sa pamahalaan, ay may sinumpaang tungkulin na tutupdin at pangangalagaan ang Konstitusyon at ang ating mga batas,” aniya pa rin.

Kaya hindi aniya tama ang pagpigil ng mga halal ng bayan sa paghahanap ng katotohanan.

 “Ang katotohanan ay hindi dapat i-tokhang. Tapos na sana ang usapang ito kung tutuparin lamang ang sinumpaang panata na bilang lingkod bayan ay magsabi ng totoo, at hindi hahadlangan.

“Imbes na diretsahang sagot, nililihis pa sa kwentong chicheria,” pahayag ng Pangulo.

Dahil dito, hangad ng Pangulo na matuldukan na ang mga pangyayaring ito sa paraang matiwasay at magdadala sa lahat sa katotohanan.

Sa kabila ng mga pambabatikos, naka­tuon ang pansin ng Pa­ngulo sa pamamahala. Ngunit tinitiyak aniya niya na hindi niya ikokompromiso ang Rule of Law. Kailangan aniyang manaig ang batas sa anumang situwasyon at sinuman ang tamaan.

Show comments