MANILA, Philippines — Para makatulong sa kanilang mga gastusin sa pagkakasakit ay isusulong ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo, at apat pa niyang kasamahan sa Kongreso na mabigyan ng 10 percent discount sa gamot ang mga rank and file na kawani ng pamahalaan.
“Alam natin ang sitwasyon ng mga maliit na manggagawa ng pamahalaan na hirap din na matustusan ang kanilang mga gamot kapag sila ay nagkakasakit dahil sa mahal ng mga bilihin,” ani Tulfo.
Ayon kay Tulfo, ihahain niya ngayong araw kasama sina ACT-CIS partylist Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd district Rep. Ralph Wendel Tulfo, ang bill na “An act granting rank and file government employees a 10% discount on the sale of medicines.”
Ayon sa panukala, sakop nito ang mga kawani ng pamahalaan na may sweldong P30,000 pababa at tanging valid ID ng mga kawani ng pamahalaan ang kailangang ipakita nito at patunay na sumasahod sila ng P30,000 pababa para makakuha ng 10 percent discount sa mga gamot, kabilang ang branded at generic drugs.
Nakasaad din sa panukalang batas na ang sino mang lalabag o hindi susunod dito ay maaring pagmultahin ng P50,000 hanggang P100,000 o kulong ng anim na buwan hanggang isang taon, depende sa bigat ng kasalanan.
“Government employees, who often shoulder the responsibility of supporting families, are particularly vulnerable to the financial burden of high medication costs,” ayon sa panukalang batas.