Octopus rides kumalas, 8 estudyante tumalsik

MANILA, Philippines — Inoobserbahan sa pagamutan ang walong estud­yante nang magsitalsikan matapos kumalas ang  sinasakyang Octopus rides sa isang peryahan, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Ibayo Silangan, Naic Cavite.

Pawang mga inoobserbahan sa San Lorenzo Ruiz Hospital ang mga biktimang estudyante na sina Zyrinne Merlan, 20, ng Brgy. Bancaan; Mary Rose Mariano, 23, ng Brgy. Buna Cerca, Indang; Erica Gravador, 21; ng Brgy. Halang, Naic; Joana Pagaduan, 21; Bancaan, Naic; Jomer Pagaduan, 25; kapwa ng Brgy. Bancaan, Naic; Michelle Kay Cailao, 16; Abagail Cailao, 21; at Chinne Cabugayan, 22, ng Brgy. Bucana Sasahan, Naic.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Fiesta Carnival Rides kung saan nagkayayaan ang magkaklaseng magka­kaibigan  na sumakay sa Octopus rides.

Sa una ay maayos pa ang takbo nito, subalit nang bumilis na ang ikot ay biglang kumalas ang main screw na kinakapitan ng Octopus ride dahilan para tumilapon ang mga biktima.

Sugat sa ulo, iba’t ibang bahagi ng katawan at mga bali sa kamay at paa ang tinamo ng mga biktima na agad naitakbo ang mga ito sa nasabing pagamutan.

Nakatakdang sampahan ng kaso ang may-ari ng nasabing carnival rides.

Show comments