MANILA, Philippines — Nag-alok ng P1 million reward ang isang congressman sa makapagtuturo sa pumatay nitong Lunes sa isang kandidato sa pagka-vice mayor sa Tantangan sa probinsya ng South Cotabato.
Magugunita na binaril ng anim na beses sa loob mismo ng kanilang bakuran sa Barangay Bukay Pait ang biktimang si Jose Osorio, na isa sa kandidato sa mga kandidato sa pagka-vice mayor sa Tantangan, hindi kalayuan sa Koronadal City na kabisera ng South Cotabato.
Inanunsyo ni South Cotabato Congressman Peter Miguel sa mga himpilan ng radyo sa Koronadal City nitong Martes na handa siyang magbigay ng P1 million na pabuya sa sinumang makakatulong sa mga imbestigador ng Tantangan Municipal Police Station sa pagkilala ng nakapatay kay Osorio, na chairman ng Bukay Pait.
Ayon sa mga kakilala at mga kamag-anak, naniniwala silang may kinalaman sa pulitika ang pagpatay sa kanya dahil wala naman siyang kagalit at naging mabuti siyang barangay chairman ng Bukay Pait.