Rider sumemplang dedo sa jeep
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang 22-anyos na rider nang masagasaan ng isang jeep matapos na sumemplang ang minamanehong motorsiklo dahil sa madulas na kalsada sa Taytay, Rizal kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Carlos Emmanuel Cruz, ng Pasig City bunsod ng matinding pinsala sa ulo at katawan.
Arestado naman at mahaharap sa kaukulang kaso ang driver ng jeepney na nakasagasa sa biktima at nakilala lang na si alyas ‘Danny.’
Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, alas-5:00 ng hapon nang maganap ang aksidente sa Ortigas Avenue Extension, sa Brgy. San Isidro, sa Taytay.
Bago ang insidente ay minamaneho ng biktima ang isang kulay matte gray/black na Yamaha Mio Aeroz BRW 6, at binabagtas ang kahabaan ng Ortigas Avenue Extension, mula sa Kaytikling patungong Junction sa Cainta, Rizal.
Pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lang umanong nawalan ng kontrol sa motorsiklo ang biktima at sumemplang dahil sa madulas na kalsada.
Pagbagsak ng biktima ay nasagasaan ito ng jeepney na minamaneho ni Dan, na hindi umano nagawang makapagpreno.
- Latest