P1 milyong pabuya sa makakapagturo sa OVP confidential fund recipient
MANILA, Philippines — Upang makabuo ng P1 milyong pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon na mahanap si Mary Grace Piattos, isa sa mga tumanggap ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte noong 2022 ay nagpatak-patak ang mga kongresista.
Ito ang sinabi kahapon ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun sa isang press briefing.
“Aming binibigyan na importansya na kailangan dumating ang mga pinatawag natin. Lalo-lalo pa rin ang pumirma ng acknowledgement receipt,” sabi ni Khonghun.
“So nag-usap-usap kami, boluntaryo na magbibigay kami ng pabuya ng P1 million sa kung sino mang makakapagsabi o makapagbibigay ng impormasyon kung sino si Mary Grace Piattos. So kami sa komite ng Blue Ribbon at tsaka sa quad committee nagboluntaryo kami na mag-produce ng P1 million kung sinuman ang makapagbibigay ng impormasyon patungkol kay Mary Grace Piattos at least para maka-attend siya sa hearing,” dagdag pa nito.
Sa isa sa mga pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, nagtanong si Antipolo City Rep. Romeo Acop kay Gloria Camora, Intelligence and Confidential Funds Audit Officer ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng Mary Grace Piattos na nakapirma sa isang acknowledgment receipt na maypetsang Disyembre 30, 2022.
Ang naturang acknowledgment receipt ay bahagi ng liquidation report na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) sa COA upang bigyang katwiran ang paggastos nito ng P125 milyong confidential fund na naubos sa loob ng 11 araw noong Disyembre 2022.
- Latest