MANILA, Philippines — Pinadapa ng bagyong Pepito ang mga bahay at establisimiento at kabuhayan ng mga residente ng Catanduanes.
Hanggang kahapon ng hapon ay wala pang ulat na natatanggap ang Office of Civil Denfense 5 sa pangunguna ni Regional Director Claudio Yucot hinggil sa danyos ng naturang lalawigan habang abala pa ang provincial disaster risk reduction management council sa clearing operations upang mapuntahan at makapagsagawa ng assessment ang lahat ng lugar na grabeng sinalanta ng bagyo. Pinakanapuruhan ay ang mga bayan sa tabi ng dagat gaya ng Virac, Viga, Bato, Bagamanoc at iba pa na halos lahat ng bahay sa baybayin ay winasak habang kahit ang mga malalaking istablisimiento ay natuklap ang bubong.
Karamihan umano ng mga lugar ay hindi pa napupuntahan dahil sa mga landslides na nakahambalang na mga punong kahoy, kawad at poste.
Maraming mga bahay at pananim ang sinira, nawalan ng kuryente ang buong lalawigan habang pahirapan ang signal ng internet.