MANILA, Philippines — Patay ang apat katao kabilang ang isang paslit habang tatlo pa ang sugatan nang mawalan ng preno ang isang 16-wheeler truck at araruhin ang tatlong motorsiklo sa Pasig City, kahapon ng madaling araw.
Hindi kaagad pinangalanan ng mga otoridad ang mga nasawing biktima na kinabibilangan ng tatlong magkakaanak, na ang isa ay 4-taong gulang lamang na batang lalaki, at isang motorcycle rider na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.
Nagpapagaling sa di tinukoy na ospital ang dalawa pang biktima na nagtamo ng mga bali sa braso at tadyang habang ang isa pang biktima, na angkas ng isa sa mga motorsiklo ay nakalabas na ng pagamutan matapos na malapatan ng lunas sa tinamong minor injury.
Kinilala ang suspek sa alyas na ‘Boy,’ na nakapiit na at mahaharap sa patung-patong na kaso.
Batay sa ulat ng Pasig City Police, naganap ang aksidente sa Ortigas Avenue, kanto ng Lanuza Avenue sa Pasig City, alas-4:30 ng madaling araw.
Nauna rito, binabaybay umano ng tatlong motorsiklo na sinasakyan ng pitong biktima ang eastbound lane ng Ortigas Avenue nang bigla na lang mawalan ng preno ang kasunod nilang truck na kargado ng saku-sakong bigas.
Dahil dito, inararo umano ng truck ang mga motorsiklo, na nagresulta sa pagkasugat ng mga biktima at pagtapon ng daan-daang sako ng bigas sa kalsada.