MANILA, Philippines — Ginawaran ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng pinakatamaas na parangal ang lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte City, Bulacan kasunod ng maayos na pamamalakad ni Mayor Arthur Robes na direktang nagbenepisyo ang mga mamamayan sa buong lungsod.
Nagpahayag ng kasiyahan si Mayor Robes sa iginawad ng DILG na Seal of Good Local Governance (SGLG) 2024 na siyang pinakamataas na parangal para sa isang lokal na pamahalaan. Ang SGLG award ay ipinagkakaloob sa mga lokal na pamahalaan na nagpakita ng kahusayan, kasanayan at pagiging masinop sa maraming aspeto ng pamumuno.
Mula sa pagiging kabilang sa isa sa pinakamahirap na bayan noon, ang SJDM ay ikinukunsidera ngayon bilang highly urbanized city sa lalawigan matapos ang pagsusulong nila Mayor Robes, katuwang si Lone District Congresswoman Rida Robes, ng mga programang nagpaunlad sa lungsod.
Noong September 10, 2000 nang maging component city ang SJDM sa ilalim ng Republic Act 8797 at noong December 4, 2020, sa bisa ng Proclamation 1057 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay naging highly urbanized city na ang lungsod.