‘Appliances na gawang Tsina’, iimbestigahan ng Kongreso - Tulfo

MANILA, Philippines — Ngayong umaga ay magsasagawa ng pagdinig ang Kongreso hinggil sa reklamong inilapit ng mga local appliance manufacturers kay House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at ACT-CIS partylist laban sa mga produktong galing China.  

Ayon kay Rep. Tulfo na inimbitahan ang iba’t ibang local appliance manufacturers ng Pilipinas sa pagdinig ngayong umaga ng House Committee on Trade and Industry dahil sa kanilang sumbong noong nakaraang buwan na pinapatay ng mga produktong galing China ang mga produkto ng Pilipinas.  

“Halos 300,000 na manggagawang mga Pinoy ang mawawalan ng trabaho kung magsasara ang mga factory ng mga local appliance brands dahil sa pagpasok ng mga Chinese pro­ducts sa bansa,” ayon kay Cong. Tulfo.  

Aniya, “ang sumbong sa amin sa ACT-CIS ay galing China ang mga appliances na ito na ino­order online at hindi na dumaan sa quality inspection o sumusunod sa Department of Trade and Industry (DTI) standards.  

“At dahil nga ino­order online hindi na dumadaan sa DTI for inspection ang mga bini­bili na appliances,” ayon pa kay Tulfo.  

Ayon pa kay Rep. Tulfo, “Papaano makikipagkumpitensya ang mga local brands natin kung ang mga inoorder online ay hindi na dumaan sa inspeksyon o di kaya’y nagbabayad ng buwis?”

Show comments