MANILA, Philippines — Bumagsak sa kamay ng mga Quezon City Police District (QCPD) ang limang drug suspect na nasamsaman ng higit sa P1.3 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operations sa lungsod.
Sa report na tinanggap ni QCPD Officer-in-Charge PCol. Amante Daro, alas-3:00 ng madaling araw ay nagsagawa ang mga otoridad ng buy-bust operation sa Regalado Ave., cor. Bulova St., Brgy. Greater Fairview, Quezon City at dito ay naaresto ang tatlong suspek na sina Johnmark Kusain, 26, ng Brgy. Culiat, Quezon City; Niño Dael, 30; at Lee Longay, 30, kapwa residente ng Brgy. Tandang Sora at nasamsam ang 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000, isang pouch, at buy-bust money.
Dakong alas-5:55 ng hapon nitong Huwebes nang makalawit ng Police Station 6 sa IBP road, Brgy. Batasan Hills, Quezon City ang dalawang suspek na sina Mark Joshua Abuyen, 26, ng Brgy. Rosario, Pasig City; at Roselle Lacsa, 23, ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City sa kahabaan ng IBP Road, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.
Agad na kinumpiska ng mga pulis ang 100 gramo ng shabu na may street value na P680,000, isang Yamaha Aerox motorcycle, dalawang helmet, dalawang cellular phones, isang pouch, coin purs at buy-bust money.
Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.