MANILA, Philippines — Batay sa report kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mahigit 300,000 katao ang apektado ng bagyong Nika at Ofel sa limang rehiyon sa bansa.
Sa datos ng NDRRMC, nasa 85,415 pamilya o kabuuang 309,581 mga indibidwal ang naapektuhan mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon at Bicol Region. Sa nasabing bilang ay nasa 46,495 ang nagsilikas.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ariel Nepomuceno ang bagyong Nika na nakaapekto sa hilagang Luzon ay lumisan na sa bansa nitong Martes pero nanatili silang nakaalerto matapos namang pumasok na si Ofel sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa kasalukuyan, nakataas na ang Tropical Cyclone wind signals No. 5 sa hilagang silangan at mainland ng Cagayan na kinabibilangan ng mga bayan ng Gonzaga at Santa Ana.
Habang signal No.4 naman sa hilaga at silangang bahagi ng mainland Cagayan o ang mga bayan na kinabibilangan naman ng Aparri, Ballesteros, Buguey, Allacapan, Gattaran, Baggao, Sta Teresita, Camalaniugan, Allacapanl, Gattara at Peñablanca at maging ang hilagang silangang bahagi ng Isabela.
Sa babala ng weather bureau, ang mga lugar na binayo ni Nika ay siya ring dadaanan ng hagupit ng bagyong Ofel na inaasahang magla-landfall sa silangang bahagi sa baybayin ng Cagayan o sa hilagang parte ng Isabela anumang oras mula ngayon.