Lalaki tinodas ng bespren sa pag-utang ng P1K

Photo shows a man holding Philippine peso bill.

Isinilid pa sa drum

MANILA, Philippines — Hindi umano naka­yanan ng isang lalaki ang pangu­ngulit ng kanyang kaibigan na siya ay pautangin kaya nagawa niya itong barilin sa ulo ng dala­wang beses at pagkatapos ay ­isinilid sa drum sa Barangay Kanluran, Sta. Rosa City, Laguna.

Ayon kay Sta. Rosa City Police chief Lt. Col. Benson Pimentel, una silang nakatanggap ng tawag na may masangsang na amoy na nagmumula sa isang apartment sa nasabing barangay at nadiskubre na nanggagaling sa isang drum na may lamang tao at naaagnas na.

Ayon sa mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) nagtamo ng dalawang tama ng baril sa ulo ang biktima na isa umanong truck driver.

Nagkasa ng follow-up operation ang pulisya laban sa suspek na may-ari ng bahay na pinagtaguan ng bangkay at natunton sa Tondo, Maynila at doon inaresto.

Sa ginawang backtracking ng CCTV sa lugar, makikitang nakasakay pa sa tricycle ng suspek ang malaking drum na siyang ginamit umano niya para sa pagtago sa bangkay ng biktima.

Lumilitaw na magkaibigan ang biktima at suspek na isang tricycle driver na nakulitan sa pangungutang ng una ng P1,000 hanggang magkaroon ng pagtatalo.

“Parang pinilit niya ako, nagalit na siya sa akin, ayun nangyari na ‘yung ganun. Aksidente, ‘yun lang ang masasabi ko. Sa pamilya ni Macmac na kaibigan ko, pasensya po talaga kayo sa nangyari hindi ko inaasahan na aabot sa ganung pangyayari,” wika ng suspek.

Nahaharap ang suspek sa kasong murder.

Show comments