MANILA, Philippines — Dahil sa pananalasa ng bagyong “Marce”, mahigit 65,000 indibiduwal ang naapektuhan, habang isa ang sugatan at isa pa ang nawawala sa hilagang Luzon partikular na sa Cagayan at Batanes, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado.
Sa report ng NDRRMC, ang nasugatan at nawawala ay pawang mula sa Region 1 na kanilang beneberipika pa kabilang ang pagkakakilanlan sa mga ito.
Nasa 21, 273 namang pamilya o kabuuang 65,610 katao ang naapektuhan ng bagyong Marce na nanalasa sa hilagang Luzon.
Sa nasabing bilang, nasa 8,319 pamilya o kabuuang 24,369 indibidwal ang nanatili sa 365 evacuation centers habang nasa 3, 810 na pamilya o 12, 498 katao ang nasa labas ng mga evacuation centers.
Ayon sa NDRRMC, ang mga naapektuhang residente ay mula sa Regions 1, 2 at Cordillera Administrative Region (CAR). Samantalang nasa 41 kalsada at 24 tulay ang naapektuhan ng kalamidad kung saan nasa 11 pa lamang mga kalsada ang maaring madaanan sa kasalukuyan at patuloy pa ang clearing operations sa iba pang mga apektadong lugar.
Nasa 57 lungsod at munisipalidad ang nagkaroon ng aberya sa supply ng kuryente habang 273 kabahayan sa Regions 1, 2 at CAR ang napinsala kabilang ang anim na tuluyang nawasak sa hagupit ng bagyo.