MANILA, Philippines — Isa nang ganap na batas ang Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act na magpapalakas sa karapatan ng Pilipinas sa maritime zones ng bansa matapos itong pirmahan kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ng Pangulo na ang dalawang bagong batas ang magbibigay diin sa importansya ng maritime at archipelagic identity ng Pilipinas alinsunod sa umiiral na pandaigdigang batas partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) upang mapahusay ang kakayahan ng gobyerno sa pangangasiwa at maipatupad ang maritime policies para sa pag-unlad ng ekonomiya at pambansang seguridad.
Ang Philippine Maritime Zone Act ang nagtatakda ng maritime zones ng bansa na naaayon sa mga pamantayang itinakda ng UNCLOS kasama na rito ang sea lanes na titiyak sa karapatan para matamasa ng mga Pilipino ang mga kayamanan ng karagatan ng bansa.
Layon din nito na mapalakas ang claim ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) at iba pang may territorial disputes, habang ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act naman ay para magkaroon ng sistema ng sea lanes o ruta sa mga dagat ng bansa na maaaring daanan ng mga dayuhang sasakyang pandagat.