MANILA, Philippines — Hindi na maaaring gamiting pansalag ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) ng mga naaarestong sangkot sa mga heinous crimes.
Ito ang inihayag ni Solicitor General Justice Angelita V. Miranda, Chairman ng Legal Cooperation Cluster (LCC) ng the National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kasabay ng pahayag na ang pag-aresto at pagkulong kina Porferio Runa, Simeon Naogsan at Wigberto Villarico ay “fully justified, legal at moral”.
Ang pag-aresto aniya sa tatlo ay isinagawa alinsunod sa mga standing warrant na inisyu ng mga kaukulang korte para sa mga mabigat na krimen tulad ng kidnapping at murder, na labas sa anumang hinihiling na immunity sa ilalim ng naunang kasunduan na Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) ay hindi na valid.
Ang pagkakabasura nito noong 2017 ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte ay isang legal at kinakailangang hakbang upang tutulan ang patuloy na karahasan at pagtataksil ng NPA sa tiwala ng bayan.
Dagdag pa ni Miranda na ang terminasyon ng JASIG ay “critical move” dahil nagagamit ito bilang kasangkapan ng criminal impunity.
Tiniyak ni Miranda na hustisya ang dapat na manaig bagama’t sinasabing “noble” ang intensiyon.