Kelot, dalawang beses nasagasaan ng motor

MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang 36-anyos na lalaki matapos ma-hit and run ng dalawang motorsiklo sa kahabaan ng Jose Abad Santos Ave­nue, Bgy. 219, Tondo, Manila, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat, alas-12:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa northbound lane ng J. Abad Santos kanto ng Tecson St.

Batay sa kuha ng CCTV ng barangay na naglalakad ang biktima sa gitna ng kalsada nang mabangga siya ng isang motorsiklo. Nagdire-diretso ang motorsiklo habang napahandusay ang biktima sa kalsada.

Ilang segundo ang lumipas ay nasagasaan siya ng isa pang motorsiklo. Sumemplang pa ang rider nito pero tulad ng naunang motorsiklo, agad ding nagpaharurot ang ikalawang motorsiklo papalayo sa lugar.

Ayon sa ina ng biktima, Huwebes ng gabi nang sumama ang biktima sa dalawa niyang kaibigan sa may tabing riles na hindi kalayuan sa kanilang lugar para umano mag-inuman.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Manila District Traffic Enforcement Unit, posible umanong nasa impluwensya ng alak ang biktima at pauwi na ng kanilang bahay nang mangyari ang insidente.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad para matukoy ang mga nakabangga sa biktima.

Show comments