Magsasaka tinaga sa leeg dahil sa mabahong abono
MANILA, Philippines — Isang magsasaka ang walang awang tinaga sa leeg ng kapitbahay nang sila ay mag-away dahil lamang sa amoy ng abono na ginagamit nito sa kaniyang gulayan sa Infanta, Quezon.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Rigor Otilla, 34, residente ng Brgy. Binulasan.
Sa report ng pulisya, alas-7:30 ng umaga nang makasagutan nito ang kapitbahay na si alyas Ricky, 46 na nagrereklamo dahil hindi umano nito gusto ang masangsang na amoy ng fertilizer na ginagamit ng biktima sa kaniyang mga tanim na kamote.
Nauwi sa awayan ang pagsasagutan ng dalawa hanggang sa magbunot ng itak ang suspek at tinaga ang biktima na tinamaan sa leeg at kamay.
Isinugod pa ito sa Claro M. Recto Hospital sa Infanta subalit idineklara na itong dead on arrival ng doktor.
Naaresto naman ng mga pulis ang suspek na nahaharap sa kasong homicide.
- Latest