MANILA, Philippines — Ayaw magkomento si Senador Sherwin Gatchalian kung pag-aari ng kanyang kamag-anak ang puting SUV na may protocol number “7” na nahuling dumaan sa EDSA busway.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Gatchalian na pinapaubaya na niya sa Land Transportation Office (LTO) ang imbestigasyon sa nasabing isyu.
Anya, nakita niya sa mga balita na nagsalita na ang representative ng kumpanya at nagbayad na ng multa kaya bahala na ang LTO kung ano ang kanilang desisyon at kung ano ang gagawin.
Sa tanong kung ang SUV ay pag-aari ng kanyang kapatid, sagot ni Gatchalian ay nasa LTO na ang mga dokumento at sila na ang bahala dito dahil mahirap magkomento habang nag-iimbestiga ang LTO.
Matatandaan na noong linggo ay hinarang ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ang puting SUV na may protocol plate no. 7 na para lang sa senador dahil sa pagdaan sa EDSA busway sa Guadalupe Station northbound lane at nagtangkang tumakas.
Sumuko na kamakalawa sa LTO ang driver na si Angelito Edpan, 52, empleyado ng Orient Pacific Corporations at hindi niya umano kilala ang sakay ng SUV.