Lino Cayetano, binatikos sa tarpaulin sa mga puno

MANILA, Philippines — Binatikos ng netizens at environmental groups ang mga tarpaulin ni da­ting Taguig Mayor Lino Cayetano na may nakasulat na “LABAN LINO” na nakapaskil sa mga puno at pader sa iba’t ibang barangay ng Taguig.

Ang paglalagay ng mga tarpaulin sa puno ay paglabag umano sa Republic Act No. 3571, na nagbabawal sa anumang aktibidad na maaaring makasira sa mga puno sa mga pampublikong lugar.

Sinumang lumabag ay maaaring maparusahan ng pagkakakulong mula anim na buwan hanggang dalawang taon, at pagmumulta ng P500 hanggang P5,000, o parehong parusa sa pagpapasya ng korte.

“Nananawagan kami sa mga kandidato at kanilang mga taga-suporta na iwasan ang ganitong gawain, pangalagaan ang mga puno, at isaalang-alang ang mga alternatibong pamamaraan ng pangangampanya na hindi nakakapinsala sa kalikasan,” saad ni Aileen Lucero, National Coordinator ng EcoWaste Coalition.

Magugunita na ka­makailan ay ibinasura ng Election Registration Board (ERB) ng Comelec-Taguig City ang kahilingan ni Cayetano at ng kanyang asawang si Fille na ilipat ang kanilang voter registration mula sa Ikalawang Distrito patungo sa Unang Distrito ng Taguig-Pateros.

Kaya’t nananatili ang rehistrasyon nina Cayetano sa Brgy. Fort Bonifacio kung saan sila nakatira hanggang sa ngayon at kung saan din sila bumoto noong 2023 Barangay at SK elections.

Show comments