MANILA, Philippines — Kung si Senator Raffy Tulfo lang ang masusunod ay nais nitong gawing P50,000 ang multa sa mga pribadong sasakyan na dumadaan sa EDSA bus way mula sa kasalukuyang P5,000.
Naniniwala si Tulfo na panahon na para taasan ang multa dahil maliit ang kasalukuyang multa at kayang-kaya itong bayaran ng mga nahuhuli.
Muling naging isyu ang pagdaan ng pribadong sasakyan sa EDSA bus lane matapos tumakas ang isang pribadong sasakyan na gumamit ng plate number 7 na nakatalaga sa mga senador.
Inihayag din ni Tulfo na hindi na dapat pahirapan ng pasahero ng SUV ang maraming tao at dapat aminin na nila na sila ang sakay ng sasakyan.
Idinagdag ni Tulfo na base sa kanyang impormasyon ay kamag-anakan ito ng isang senador.
Nauna rito, lumutang ang pangalan ni Sen. Sherwin Gatchalian bagaman at hindi umano ito ang sakay ng SUV.
Idinagdag ni Tulfo na sa ngayon ay 24 na senador ang napapagbintangan bagaman at nakatitiyak si Tulfo na hindi senador ang sangkot sa eskandalo sa EDSA.