MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) nang pagtaas ng mga naitatalang kaso ng dengue at leptospirosis sa National Capital Region (NCR).
Sa datos na ibinahagi ng DOH-NCR sa isang pulong balitaan, nabatid na sa kaso ng dengue, naabot na ng rehiyon ang alert threshold.
Mula Enero 1 hanggang Oktubre 26, 2024 ay nakapagtala na umano ang DOH ng 24,232 dengue cases sa rehiyon, kabilang ang 66 na nasawi.
Ito ay 34% na mas mataas sa 18,020 kaso na naitala sa kahalintulad na panahon noong 2023 at karamihan sa nabiktima ay kabilang sa 5-9 age group at majority ay mga lalaki.
Ang Quezon City umano ang nakapagtala ng pinakamaraming dengue cases na nasa 6,208 habang ang Pateros ang may pinakamataas na attack rate.
Nakapagtala rin ang DOH ng kabuuang 2,734 leptospirosis cases sa NCR sa nasabing panahon na 90% na pagtaas mula sa 1,432 lamang na kaso noong nakaraang taon na ang pinakamaraming nabiktima sa age group na 55-59 habang majority ay mga lalaki na kung saan ay may 216 katao ang nasawi.