MANILA, Philippines — Naghahanda na ang Pagasa sa mga lugar na hinagupit ng mga Bagyong Kristine at Leon dahil maaari silang muling bayuhin ng bagyong Marce.
“Dito sa may track ni Marce, na halos ‘yung dadaanan niyang area ay nasa gitna nina Leon at Kristine kaya ‘yung mga areas na naapektuhan nu’ng previous na dalawang bagyo ay kailangan natin maghanda,” pahayag ni PAGASA weather forecaster Veronica Torres sa isang press briefing.
Posible ring lumakas bilang typhoon ang Tropical Storm Marce, ayon sa Pagasa, ngayong Martes ng gabi o Miyerkules ng umaga.
Dagdag nito, ang pinakamataas na wind signal na maaaring itaas sa panahon ng paglitaw ni “Marce” ay Wind Signal No. 4.
Bahagyang lumakas si “Marce” ngunit nananatili sa kategoryang tropical storm.
Huli itong namataan sa layong 775 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot sa 90 kilometro bawat oras.