MANILA, Philippines — Namatay habang dinadala sa ospital ang isang 25-anyos na lalaki nang ginilitan sa leeg ng taxi driver na nakatalo nito sa pasahe kamakalawa ng madaling araw sa Quezon City.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si Isidro Amante Gonzales Jr., ng A1 Shekel St., Phase 8, Brgy. North Fairview, Quezon City.
Sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, alas-3:30 ng madaling araw nitong Sabado malapit sa isang convinient store sa Quirino Highway, Brgy. Pasong Putik, sa lungsod ay nakita sa CCTV ang pakikipagtalo ng biktima sa hindi pa nakikilalang taxi driver.
Makalipas ang ilang minuto nakitang sinaksak ng taxi driver ang biktima saka mabilis na tumakas.
Agad namang nagresponde ang mga operatiba ng QCPD Pasong Putik Proper Police Station 16 na pinamumunuan ni PLt. Rommel Tiangco, at isinugod ang biktima sa Tala Hospital sa Caloocan City.
Sinabi naman ng driver ng pampasaherong bus na nakita nilang duguan ang biktima habang humaharurot ang isang taxi.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso habang ikinokonsidera na posibleng pagtatalo sa pasahe ang motibo ng krimen.