Lolo, 2 apo patay sa sunog

Humabol sa Undas…

MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang 71-anyos na lalaki at dalawa niyang apo nang hindi makalabas sa nasusunog nilang bahay sa Brgy. San Gabriel, Teresa, Rizal, kamakalawa.

Kinilala ni P/Major Edzel Macasero, hepe ng Teresa police, ang mga nasawi na sina Narciso Santos; dalawang apo na sina Skyler Bolante, 10; at Amber Santos, 7, pawang residente ng Block 20, Lot 11 Carissa Homes East 2, Barangay San Gabriel, Teresa, Rizal.

Sa imbestigasyon, bandang alas-11:53 ng umaga nang maganap ang sunog sa ikalawang palapag na bahay ng mga biktima na sandaling iyon ay mahim­bing na natutulog.

Hinala ng mga imbestigador ng bumbero at pulisya na ang sanhi ng kamatayan ng mga biktima ay suffocation dahil sa matinding usok sa loob ng silid.

Walang ibang bahay ang nadamay at posibleng nagmula ang apoy sa faulty wire o short circuit ng electrical wire.

Halos tumagal ng mahigit dalawang oras bago tuluyang naapula ang sunog ng mga bumbero.

Show comments