MANILA, Philippines — Isang lalaki na sangkot sa serye ng pagnanakaw sa mga luxury hotel sa Taguig at Makati noong Oktubre 29 ang naaresto.
Ang suspek, na kilala sa mga alyas na Daniel at Michael, 52, ay nahuli sa isang hotel sa Makati matapos na mabiktima ang apat na empleyado ng gobyerno.
Naganap ang unang insidente sa Shangri-La The Fort Manila sa Bonifacio Global City, Taguig, kung saan natangay ng suspek ang iPad, tablets, cellular phones, laptops, at cash na aabot sa P674,000 mula sa mga miyembro ng isang choir habang nagpe-perform.
Pinangunahan ng Ayala Police Substation ang operasyon, kasama ang iba pang mga hotel sa Makati, upang matunton ang suspek na patuloy na nambibiktima ng mga bisita.
Sa pamamagitan ng CCTV footage, natukoy ng mga otoridad ang suspek na naghahanap ng panibagong biktima sa isang five-star hotel sa Makati Avenue.
Natuklasan din ng Makati Police na may outstanding warrants of arrest sa kasong theft na inisyu ni Judge Esmeralda Balderas David ng Municipal Trial Court ng Olongapo City na may petsang Pebrero 15, 2023, at robbery na walang inirekomendang piyansa si Judge Wilhelmina Go-Santiago ng Regional Trial Court, Branch 18 Tagaytay City, Cavite.