MANILA, Philippines — “Mother of all POGO hubs”.
Ito ang turing ng Presidential Anti- Organized Crime Commission (PAOCC) sa sinalakay nilang 40 palapag na condominium, kamakailan sa Adriatico, Maynila.
Ayon sa PAOCC, ang naturang condominium ay naging “taguan” ng ilegal na mga aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa, kabilang na ang mga dating nakabase sa POGO hub ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Lumilitaw na pagmamay-ari ng isang alyas Willy ang gusali na umano’y nagpapakilalang “untouchable” dahil sa malalakas na koneksyon sa ilang mga ahensya ng gobyerno.
Ipinagmamalaki rin umano ni Keng ang kanyang pagkakalapit sa dating Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre at iba pang opisyal ng Duterte administration.
Maraming palapag ng gusali ang ginawang pansamantalang opisina ng mga hindi rehistrado at hindi reguladong mga operator.
Napag-alaman na ang ginawang pagsalakay na nagresulta sa pag-aresto ng halos isang libong katao, kabilang ang 69 na dayuhan na umano’y sangkot sa ilegal na mga aktibidad ay bunga ng masusing operasyon na pinangunahan ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil, National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PMGen. Sidney Hernia, at PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) Director PMGen. Ronnie Cariaga, kasama ang suporta ng iba pang unit ng pulisya.
Ang matagumpay na pagsalakay ay pagpapakita ng paninindigan ng PAOCC at PNP na buwagin at puksain ang mga krimen na may kaugnayan sa online scams, ilegal na sugal, at human trafficking.
Dagdag ng PAOCC, dapat na iturn over agad sa Bureau of Immigration (BI) ang mga nahuling undocumented na dayuhan para sa tamang proseso at deportation.
Subalit nakakapagtakang tinatanggihan umano ng BI ang mga dayuhan na indikasyon ng impluwensiya ni alyas Willy.