Marikina LGU, pinagpapaliwanag sa mga kalansay na inalis sa mga nitso

MANILA, Philippines — Pinagpapaliwanag ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo ang Marikina City local government unit (LGU) kaugnay sa mahigit 800 sako ng labi ng tao na inalis mula sa mga li­bingan at iniwan lang na nakatambak sa Barangka Public Cemetery.

Ayon kay Quimbo, dapat na maglabas ang Marikina LGU ng listahan ng mga pamilyang naapektuhan ng biglaang pag-alis sa mga labi at pati ang lahat ng impormasyon para sa tamang pagkakakilanlan ng mga labi, gaya ng numero sa mga sako at petsa ng kapanganakan at kamatayan. Aminado mismo ang administrador ng sementaryo na isang Reynato Beltran na sila nang nag-alis ng mga kalansay bilang pagsunod na rin sa isang ordinansa ng lungsod.

Nilalaman ng Marikina City Ordinance No. 020, series of 2010 na limang taon lamang maaaring upahan ang mga nitso sa Barangka Public Cemetery at isang buwan matapos mapaso ang panahon ng renta, kung hindi pa rin nababawi ang isang labi ng kanyang mga mahal sa buhay ay obligadong ilipat na ito sa ossuary ng sementeryo.

Kaugnay nito, binuksan ng mambabatas ang kanyang opisina para sa mga pamilyang nais na ipa-cremate ang mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay at magsasagawa rin ng isang mass blessing sa Marikina City Public Cemetery.

Ayon sa pahayag ng City Hall, sinimulan na nito ang isang imbestigasyon upang matiyak na mapapanagot sa batas ang mga sangkot sa pag-alis ng mga labi mula sa mga nitso.

Show comments