MANILA, Philippines — Anim na miyembro ng pamilya ni Nueva Ecija Govermor Aurelio “Oyie” Umali ang tatakbo ngayong 2025 election kabilang na ang dalawang anak nito.
Kaya naman kinondena ng grupong Novo Ecijano - Bantay Boto Movement (NE-BBM), isang civic group at election watchdog ang umano’y “paninigurado” o political strategy ng pamilya ni Governor Umali na hindi anya, katanggap-tanggap para sa mamamayan ng Nueva Ecija.
Lumitaw na pinatakbo ng mag-asawang Gov. Oyie at dating governor Zcarina Umali ang kanilang dalawang anak para may humalili sa kanila sa sandaling idiskwalipika sila ng Comelec dahil sa kaso ng katiwalian sa Office of the Ombudsman.
Sa datos ng Comelec, anim na Umali ang naghain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa matataas na elective positions sa Nueva Ecija.
Magtatangka ng re-election si Umali na kung saan naghain din sa parehong posisyon ang anak nitong si Patricia Marie, 23 na makakatapat si dating General Tinio Mayor Virgilio Bote sa pagka-gobernador.
Sa pagka-vice governor naman, tatakbo ang nakatatandang kapatid ni governor Umali na si Gil Raymond, habang ang incumbent Vice Governor na si Anthony ay tatakbo namang mayor ng Cabanatuan City.
Naghain ng COC si dating governor Czarina at anak na si Gabrielle, 25 para sa pagka-kongresista ng 3rd District.