MANILA, Philippines — Posibleng maging isang super typhoon ang bagyong Leon habang ito ay papalapit sa Batanes, kaugnay ng galaw nito.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), si Leon ay lalakas habang ito ay dadaan sa Philippine Sea at maaabot ang Typhoon Category sa susunod na 24 oras.
Nabatid na kamakalawa ng alas-11:00 ng umaga ang bagyong Leon ay isa nang ganap na Severe Tropical Storm at namataan ng PAGASA ang sentro nito sa layong 780 kilometro ng silangan ng Echague, Isabela taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 95 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 115 kilometro bawat oras.
Bunga nito, nakataas ang signal number 1 ng bagyo sa eastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Lal-Lo, Gattaran, Baggao, Santa Teresita, Gonzaga, Peñablanca), eastern portion ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Ilagan City, San Pablo, Cabagan, Tumauini, Palanan, San Mariano, Dinapigue), northeastern portion ng Catanduanes (Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga).
Ang naturang mga lugar ay makakaranas ng malakas na pag-ulan na may kasamang malakas na bugso ng hangin lalo na sa may baybayin at matataas na bulubunduking lugar. Mapanganib din ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat dahil sa malalaking alon sa karagatan.
Ang bagyong Leon ay inaasahang kikilos pakanluran hilagang kanluran ngayong umaga at iikot pa hilagang kanluran hanggang sa mag-landfall sa eastern coast ng Taiwan sa Huwebes, October 31.