Duterte, ‘di ipinag-utos pagpatay sa giyera kontra droga

Former President Rodrigo Duterte attends the Senate Blue Ribbon Committee's inquiry into his war on drugs campaign on Oct. 28, 2024.

MANILA, Philippines — Sa pagharap kahapon ni dating pangulong ­Rodrigo Duterte sa imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee ay sinabi nito na hindi niya ipinag-utos ang pagpatay sa pagpapatupad ng kampanya kontra iligal na droga.

Sinabi ni Duterte na hindi niya pinapayagan noon ang mga pulis at sundalo na abusuhin ang kanyang kapangyarihan kahit noong siya ang alkalde ng Davao City hanggang sa maging Presidente ng Pilipinas.

“Serve preservation is still the first law of nature. It is instinct. It is recognize in our laws as self-defense that is why I have always told the police authorities and operatives to be mindful of this basic law of nature,” pahayag ni Duterte sa komite.

“However, I tell them not to abuse their authority and power, hindi ko talaga pinayagan yang abuso ng pulis o sundalo kailanman sa buong buhay ko and as mayor for so many years and as president in the guise of protecting themselves.”

“But when your very life is placed at risk and it can be draft out in a matter of seconds then and only then must you act accordingly. Repel the aggression only in self-defense,” dagdag pa niya.

Sa kanyang binasang statement sa Senate blue ribbon subcommittee na pinamumunuan ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III, mariing sinabi ni Duterte na hindi dapat kuwestyunin ang kanyang polisiya at hindi siya hihingi ng tawad o magbibigay ng “excuses” dahil ginawa niya ang dapat gawin.

Paliwanag pa ng dating Pangulo, ang kampanya kontra iligal na droga ay hindi pagpatay sa mga tao kundi pagbigay ng proteksyon sa mga inosente at walang kalaban-laban na mamamayan.

Ayon pa kay Duterte, muli na namang tumataas ang bilang ng drug-related crimes kung saan nire-rape ang mga bata, pinapatay at pinagnanakawan ang mga tao at kamakailan lamang aniya ay isang drug den ang na-raid sa loob ng Malacañang complex.

Show comments