MANILA, Philippines — Naitala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umakyat na sa 81 katao ang naiwang patay ng bagyong Kristine, 66 ang nasugatan, habang 34 pa ang patuloy na pinaghahanap at mahigit 4 milyong katao ang naapektuhan.
Ayon kay NDRRMC Spokesman Edgar Posadas, kabilang sa mga nasawi ay 47 sa Batangas, 18 dito ay sa malagim na landslide sa Talisay City at 28 naman na karamihan ay nalunod sa Bicol Region.
Nasa apat din ang nasawi sa magkakahiwalay na lugar sa Central at Southern Luzon sa pananalasa ng bagyong Kristine na nagbuhos ng matitinding ulan na naging sanhi ng flashflood at landslide.
Naitala naman sa 986,974 pamilya o kabuuang 4, 207,387 milyong indibidwal mula sa 16 Regions, 69 lalawigan, 657 siyudad at munisipalidad at 5, 867 mga Barangay ang naapektuhan ng bagyong Kristine.
Nasa 24,988 katao naman mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, MIMAROPA, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula at CARAGA ang isinailalim sa pre-emptive evacuation.
Aabot naman sa 8,432 kabahayan at 98 imprastraktura ang napinsala na tinatayang aabot sa P203.83 milyon sanhi ng matinding epekto ni Kristine.
Iniulat naman ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator at Undersecretary Ariel Nepomuceno nasa 547 pa ring mga lugar ang lubog pa sa baha na kinabibilangan ng Regions I, II, III, CALABARZON, MIMAROPA, V, VI, VIII, IX, XIII, CARAGA, BARMM at National Capital Region.
Sa kasalukuyan, ayon sa opisyal nasa P203,826,014.38 ang iniwang pinsala ng bagyo kabilang ang 98 kalsada, tulay, gusali ng eskuwelahan at iba pa . Nasa kabuuan namang 8,432 bahay ang napinsala na kinabibilangan ng 7,506 nagtamo ng pinsala at 926 tuluyang nawasak.
Nagtamo naman ang agrikultura ng P87,529,788.11 pinsala na nakaapekto 2,049 magsasaka at mangingisda habang naitala naman sa 1, 613.77 hektaryang panananim ang nawasak.
Samantala, umabot na sa 83 lungsod at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding pinsalang tinamo sa hagupit ng bagyo.