Higit P46 milyong kush nasabat sa Bulacan

MANILA, Philippines — Aabot sa P46.5 mil­yong halaga ng kush o high grade marijuana ang nasabat ng mga tauhan ng  Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Marilao at Balagtas, Bulacan kahapon ng hapon.

Ayon kay PNP-DEG Director PBrig. Gen. Eleazar Matta, ala-1:10 ng hapon nang isagawa ng Special Operation 3 (Central Luzon) Intelligence and Foreign Liaison Division-PNP-DEG, PDEA SES at Marilao Municipal Police ang anti-illegal drugs operation sa Brgy. Patubig, Marilao, Bulacan na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 43-anyos na drug suspect. 

Nakuha sa suspek ang nasa 38 piraso ng heat-sealed transparent plastic packs na naglalaman ng pinatuyong dahon ng high-grade marijuana. May timbang itong 19 kilos at nagkakahalaga ng P28,500,000.

Sa hiwalay na operasyon sa Blk 2 Lot 10  Northville 6, Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan nasamsam naman ng mga awtoridad ang 12 kilos ng kush na may halagang P18,000,000.00 mula sa isang 40-anyos na drug suspect.

Show comments