MANILA, Philippines — Labing-pito na katao ang nasawi kabilang ang 12 bata sa dalawang pagguho ng lupa sa Purok B, Barangay Sampaloc Talisay, at Lipa City, ayon sa ulat.
Ang unang landslide ay naganap, alas-7:00 ng gabi nitong Huwebes habang nananalasa ang bagyong Kristine na kung saan ay natabunan ang mga bahay ng gumuhong lupa na ikinasawi ng 14 katao.
Patuloy pa rin ang search and rescue operations sa lugar para hanapin ang anim pang nawawala.
Ang ikalawang landslide ay naganap kamakalawa ng alas-11:00 ng umaga sa Sitio Tagbakan, Brgy. Brooklyn Halang, Lipa City na kung saan ay nalibing nang buhay ang tatlong magkakanak kabilang ang 10-buwang gulang na sanggol.
Patuloy ang retrieval operation ng mga kasapi ng Lipa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CRRDMO), Philippine Coast Guard, mga barangay officials at volunteers upang marekober ang mga nalibing na mga biktima na kinilalang sina Marilou Mendoza Llanes, 25, dalaga, isang overseas Filipino worker (OFW); alyas “Grace”, 10-anyos, student at ang 10-buwang gulang na sanggol na si alyas “Olivia”.
Ang tatlo pang miyembro ng pamilya na himalang nakaligtas pero kapwa nasugatan sa insidente ay sina alyas “Jimuel”, 16; alyas “Myke”, 15; at Melanie De Silva Llanes, 38, ina.
Nagawa namang makalabas ng tatlo sa mga biktima bago tuluyan nang matabunan ang buong kabahayan. - Arnell Ozaeta, Ed Amoroso, Cristina Timbang-