3 Chinese na miyembro ng criminal group, naaresto

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang tatlong Chinese national matapos matuklasan na may dalang iligal na droga na umaabot sa higit P500-libo, dalawang baril, at mga gamit na maiuugnay sa gawain ng criminal group, sa Parañaque City, kamakalawa.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Zhenhua”, 30; alyas “Zhi”, 29; at alyas “Miu “, 26, na sasampahan ng mga reklamong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and disobedience to a person in authority), Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at RA 4136 (Land Transportation and Traffic Code).

Sa ulat, alas-7:58 ng umaga ng Huwebes bago naaresto ang mga suspek sa Barangay Tambo, Para­ñaque ay napansin ng mga nagpapatrulyang pulis ang dalawang sasakyan na nakaparada na may ginagawang milagro.

Nang lapitan ay nadiskubre na pinapalitan ng mga suspek ang plaka ng mga sasakyan kaya hiniling sa kanila na magpakita ng rehistro, subalit tumakas ang mga ito hanggang sa makorner.

Sa inspeksyon, narekober mula kay Zhenhua ang 25 gramo ng shabu na may street value na P197,000.00 at isang Bersa caliber .380 pistol na may magazine at 4 bala.

Nasa 25 gramo rin ng shabu sa halagang P197,000.00 ang nakuha kay Zhi  habang kay Miu naman nakuha ang isang Taurus 9mm pistol na may magazine na kargado ng 10 bala at isang kilo ng marijuana na may street value na P120,000.00.

Bukod pa rito, kinumpiska ang anim na pirasong magkakaibang license plates, mga posas at mga bala na maiuugnay sa kriminal na gawain.

Show comments