MANILA, Philippines — Siniguro ng National Power Corporation na dahan-dahan lamang ang pagpapakawala ng tubig ng mga dams sa Luzon para hindi malubog sa baha ang mga nasa mababang lugar dulot ng bagyong Kristine.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Napocor Flood Operation Manager Maria Teresa Sierra na ang kanilang hakbang ay base na rin sa kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maagang magpakawala ng tubig at huwag nang paabutin sa spilling level.
Nilinaw rin ni Sierra, na binago na rin ngayon ang protocol sa pagpapakawala ng tubig kung saan dati ay apat na oras lamang ang ibinibigay na palugit ng mga dam operators sa mga residente bago magpakawala ng tubig.
Subalit, ngayon ay ginawa na aniya itong 24 oras para makapaghanda ang mga maapektuhang komunidad.
Sinabi pa ni Sierra, na multipurpose ang mga dam sa Luzon kung kaya kailangan na i-maintain ang water level nito at matiyak na may sapat na suplay ang Metro Manila maging ang Bulacan at Pampanga para naman sa irrigation demands.
Sakop ng Napocor ang 12 dams kabilang na ang lima sa Luzon na Angat Dam, Caliraya Dam, Ambuklao Dam, Binga Dam, at San Roque Dam.