5 teroristang Dawlah Islamiyah utas sa encounter
MANILA, Philippines — Napaslang ang limang pinaghihinalaang miyembro ng Dawlah Islamiyah (DI)terrorists nang mauwi sa engkuwentro ang pagsisilbi ng warrant of arrest ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa Lanao del Norte nitong Miyerkules.
Sa report ni Lt. Gen. William Gonzales, Commander ng AFP-Western Mindanao Command (AFP-Westmincom) naitala ang bakbakan sa Brgy. Bangco, Sultan Naga Dimaporo ng lalawigang ito.
Ayon kay Gonzales, nagtungo sa lugar ang tropa ng Joint Task Force (JTF) ZamPeLan (Zamboanga Peninsula, Lanao) at ang Criminal Investigation Detection Group (CIDG) IX at CIDG Lanao del Norte upang isilbi ang warrant of arrest laban sa grupo ni Uya Dama alyas Aragon.
Ang grupo ni Aragon ay sangkot sa samu’t saring kriminal na aktibidades tulad ng extortion, bombing at maging sa kidnapping.
Gayunman, papasok pa lamang ang arresting team sa safehouse ng grupo ni Aragon nang salubungin ang mga ito ng bala ng tinatayang pitong armadong mga kalalakihan ng nasabing grupo.
Dito na nagkaroon ng mainitang putukan na tumagal ng isang oras at kalahati sa pagitan ng magkabilang panig hanggang sa magkakasunod na tumimbuwang ang lima sa mga terorista na nasawi sa insidente.
Wala namang naiulat na nasugatan at nasawi sa panig ng tropang gobyerno.
- Latest