MANILA, Philippines — Ipinahamak lamang umano ni Vice President Sara Duterte ang kanyang sarili sa kanyang mga ikinikilos at sinasabi at pinatunayang wala siyang kakayahan na manilbilhan bilang VP ng bansa.
Ito ang naging pahayag kahapon ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon kasunod nang sinabi ni Duterte na hindi na siya makikipagtulungan kay Pangulong Bongbong Marcos at sa administrasyon nito.
Iminungkahi ni Gadon sa Kongreso ang pagpapatanggal kay Duterte sa pamamagitan ng pagdedeklara rito bilang “incapacitated” o’ wala ng kakayahang gawin ang kanyang mga tungkulin at “nag-iimagine” pa itong pugutan ng ulo si PBBM.
Unang rekomendasyon ni Gadon sa Makabayan Bloc ang impeachment proceedings laban kay Duterte, subalit sa kakulangan ng oras at panahon kaya pagdedeklara ng “incapacitated” na ang gagawing batayan.
Sakaling madeklara na ‘incapacitated’ si Duterte maaari itong palitan sa puwesto ng Senate president.