MANILA, Philippines — Pinatutsadahan ni Vice President Sara Duterte si Justice Secretary Boying Remulla na wala itong alam sa batas matapos nitong sabihin na may nilabag sa revised penal code ang una nang hayagan nitong sabihin na itatapon ang katawan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa West Philippine Sea (WPS).
“Ipagdasal natin ang Pilipinas dahil we have a Secretary of Justice na hindi alam ang batas. There is a big difference between talking about the desecration of a body and actually desecrating a body. Talking about desecration of the body is not about desecration of the dead,” anang ikalawang pangulo.
“Dapat sana siguro as a lawyer maintindihan niya ‘yon kaagad. But apparently, sabi nga ng iba, ‘pag mabilis ka meron talagang mga mabagal ang pickup,” aniya pa.
Matatandaan na sa isang press conference noong Biyernes, Oktubre 18, isiniwalat ni Duterte na sinabihan umano niya si Senador Imee Marcos na itatapon niya ang katawan ng ama nilang si dating Pangulong Marcos Sr. sa WPS.
Noong Sabado matapos ang mga birada ni Duterte, sinabi ni Remulla sa isang panayam na nagulat siya sa mga binitiwan nitong salita.
Ani Remulla, lumabag umano si Duterte sa revised penal code.
“Desecration of the dead ‘yan. May violation sa Revised Penal Code ‘yan,” anang DOJ chief.
Nitong Lunes naman Oktubre 21, sinabi ni Remulla na pinag-aaralan na nila ang umano’y legal consequences sa naturang pahayag ng bise presidente.