29,906 Davaoeños nabigyan ng P139 milyong cash aid
MANILA, Philippines — Umaabot sa P139.812 milyon ang cash assistance na naipamahagi sa 29,906 benepisyaryo sa Davao City, Davao de Oro, at Davao del Norte sa apat na araw na payout ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita (AKAP), isang flagship welfare program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pamimigay ng ayuda ay pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na opisyal. Isinagawa ang payout mula Oktubre 18 hanggang 21.
Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada, ang apat na araw na event ay naglalayong tulungan ang mga marginalized sector partikular ang mga mahihirap na komunidad.
Sinabi ni Gabonada na nangyari ang pamimigay ng ayuda sa Davao del Norte noong Oktubre 18 kung saan kabuuang P48.625 milyon ang ipinamahagi sa 9,725 benepisyaryo na nakatanggap ng tig-P5,000.
Kasama sa mga benepisyaryo ang mga guro, non-teaching school personnel, empleyado ng mall, staff ng pribadong ospital, at mga residenteng maliit ang kita.
Noong Oktubre 19 at 20 ay namigay naman ng tig-P5,000 o kabuuang P76.610 milyon sa 15,322 benepisyaryo sa Davao de Oro.
Noong Oktubre 21, isinagawa naman ang payout sa Davao City kung saan P14,577,000 halaga ng cash aid ang ipinamahagi sa 4,859 benepisyaryo. Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng P3,000.
Kinilala ni Speaker Romualdez ang mga opisyal ng gobyerno nasyunal at mga lokal na pamahalaan sa tagumpay ng pamimigay ng AKAP.
Tiniyak ni Speaker Romualdez na patuloy pang palalawigin ang tulong na inihahatid ng gobyerno sa mga nangangailangang Pilipino upang matulungang makabangon ang mga ito.
- Latest