Sara na-imagine na ‘pinupugutan’ Marcos

President Ferdinand Marcos Jr. and Vice President Sara Duterte attend the 45th PNPA Commencement Exercises for “Layag-Diwa” Class of 2024 at the B/Gen. Cicero C. Campos Field, Camp General Mariano N. Castañeda in Silang Cavite on April 19, 2024.
Presidential Communications Office

Psychological evaluation kay VP hinirit sa Kamara

MANILA, Philippines — Psychological evalua­tion para kay Vice President Sara Duterte ang hinirit ng mga miyembro ng Kamara de Representantes matapos nitong sabihin sa isang press conference na kanyang na-imagine na pinupugutan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nagbanta na huhukayin ang labi ni da­ting Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at itatapon ito sa West Philippine Sea.

Sinabi ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khong­hun na ang mga ganitong bayolente at katawa-tawang pahayag ay nagpapakita ng seryosong instability.

“Walang matinong tao ang makakaisip, lalo’t gagawa, ng ganitong klaseng pahayag. Nakababahala ang antas ng kawalan ng katinuan sa kanyang mga salita,” sabi ni Khonghun.

“Kailangang magkaroon ng masusing psychological assessment upang matiyak kung siya ay karapat-dapat pang maglingkod sa bayan sa ganitong kritikal na posisyon,” dagdag pa nito.

Sinabi naman ni House Assistant Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V ang panganib at seryosong implikasyong dala ng mga pahayag ni Duterte.

“Ang ganitong uri ng marahas at nakakatakot na mga pahayag ay hindi katanggap-tanggap mula sa kahit sino, lalo na sa isang nakaupong Bise Presidente. Malinaw na may malala­king katanungan tungkol sa kanyang estado ng pag-iisip at emosyonal na kalagayan,” sabi ni Ortega.

Magugunitang noong Biyernes sa isang press conference ay sinabi ni Duterte na na-imagine nito na pinupugutan ang Pangulo at dito niya na-realize na toxic na ang kanilang relasyon.

Sinabi ni Duterte na nagpadala ito ng mensahe kay Sen. Imee Marcos sa isang group chat kung saan nagbanta ito na ipahuhukay ang labi ng da­ting Pangulong Marcos at itatapon sa WPS.

Show comments