Pangasinan, Urdaneta mayor, sinuspinde ng Sangguniang Panlalawigan
MANILA, Philippines — Nagpataw ng isang taon na pagkasuspinde sa puwesto ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan laban kay Urdaneta Mayor Julio F. Parayno III.
Sa ilalim ng Provincial Resolution number 958-2024 ay inaprubahan nito ang unang desisyon ng Committee on Good Government and Accountability of Public Officers, Justice and Human Rights na nagpaparusa kay Mayor Parayno dahil sa paglabag sa dalawang probisyon ng Republic Act 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Una nang napatunayan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na lumabag si Parayno sa naturang batas nang tumangging magpalabas ng business permit sa REVM Tiposu Poultry Farm Inc. noong 2021.
Ito ang naging basehan ng Pangasinan SP Committee on Good Government and Accountability para eendorso noong August 2024 na suspendihin si Parayno ng 90 araw na nilagdaan ni Pangasinan Governor Ramon V. Juico III.
Noong September 2024, nalagay pa sa balag ng alanganin ang posisyon ni Parayno nang kasuhan ito ng videographer na si Jairus Bien Fernandez Sibayan ng Pangasinan Information and Media Relations Office (PIMRO) dahilan sa ginawang pananampal sa kanya at pagkuha sa kanyang camera at pagsalitaan ng masama nang idodokumento ang isinilbing preventive suspension noong August 12,2024.
- Latest